Ano ang Philippine Local Government Interactive Dataset project?
Simple lang ang mithiin ng Philippine Local Government Interactive Dataset Dashboard—ito ay ang pagtibayin ang bukas at responsableng lokal na pamamahala. Ang proyektong ito ay inisyatiba ng Program on Social and Political Change ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies. Batid ng proyekto kung gaano kahirap kumuha ng datos tungkol sa mga pinuno at mga tagapagpasya sa ating pamahalaan. Dahil dito, nais ng proyekto na ilapit ang impormasyon sa mga mamamayan upang sila mismo ay masusing masuri ang performance ng kanilang mga halal na opisyal. Sa kabuuan, nais ng proyekto na maging matalino ang bawat Pilipino sa kanilang pakikilahok sa mga demokratikong proseso gaya ng pagboto.
Upang maisakatuparan ito, masusi kaming nangalap ng mga datos na may kinalaman sa eleksyon gaya ng kabuuang bilang ng boto ng kasalukuyang alkalde o gubernador, bilang ng mga kandidatong nagtunggali, kung matagal na bang nasa posisyon ang kandidato, at kung may kaanak ba syang tumtatakbo din sa pwesto. Ang mga datos ay hinango sa talaan o records ng Commission on Elections (COMELEC) at maingat na nilinis, inayos, at kasalukuyang biniberipika o sinusuri upang matiyak na wasto.
Sa Agham Pampulitika, may ilang mananaliksik na nagsasabing malaki ang papel ng kumpetisyong elektoral sa kaledad ng pagpapatakbo ng pamahalaan. Halimbawa, kung bagito ang halal na opisyal at gumagawa pa lamang ng pangalan, maaasahan ang mas maraming serbisyo para makakuha ng boto sa susunod na eleksyon. Isa sa mga pinakasimpleng batayan ay ang kaledad ng pananalapi ng mga lokal na pamahalaan. Bakit pananalapi? Una, sa ilalim kasi ng Saligang Batas at ng Local Government Code, binibigyan ang mga lokal na yunit ng kalayaang gumasta at lumikha ng kani-kanilang pagkukunan ng pondo (fiscal autonomy). Ikalawa, mahuhusgahan ang kaledad ng pamumuno sa husay ng lokal na pamahalaang lumikha ng pagkukunan ng pondo. Dahil dito nangalap din kami ng mga datos sa lokal na pananalapi mula s Bureau of Local Government Finance. Ang kabuuang haba ng datos ay mula 1992 o mula nagging batas ang Local Government Code, hanggang taong 2022.
Pangunahing layunin ng proyekto ang mga sumusunod:
Sa kabuuan, hangad naming ang istilo ng paggawa ng polisiya batay sa ebidensya at adbokasiya o evidence-based policymaking. Sa pamamagitan ng mga datos, naniniwala kaming makakahikayat kami ng mas matalinong pagpili sa panig ng mga botante. Sa huli, layunin ng proyekto na palakasin ang ating pagkamamamayan upang mas aktibong makibahagi ang lahat sa pagpapabuti ng ating mga komunidad.
Anu-anong datos ang makikita sa dashboard?
Mga datos tungkol sa lokal na eleksyon
LGU – Tumutukoy ito sa pangalan ng lungsod (city), bayan (municipality), o lalawigan (province)
Region – Ito ay rehiyon kung saan matatagpuan ang nasabing LGU.
Candidate – Tumutukoy ito sa buong pangalan ng kandidato
Votes – Ito ang bilang ng botong nakuha ng kandidato sa particular na eleksyon
Position – Ito ang lokal na posisyon kung saan tumakbo ang kandidato sa partikular na taon ng halalan
Year – Tumutukoy sa taon kung kailan iniulat ang isang partikular na fiscal variable
Election year – Ito ang taon kung kailan naganap ang halalan
Total votes – Ito ang kabuuang botong nakuha ng lahat ng tumakbo para sa isang partikular na pwesto sa taon ng halalan.
Vote share – Ito ang bahagdan o proportion ng botong natanggap ng isang partikular na kandidato. Ang bahagdan ng boto ay makukuha sa pamamagitan ng paghahati ng bilang ng boto sa kabuuang bilang ng boto, o votes received by a candidate’s vote / total votes.
Effective Number of Candidates (ENC) – Tinutukoy nito ang aktwal na bilang ng mga kandidatong may tunay na epekto o timbang sa halalan. Hindi lamang nito binibilang ang kabuuang bilang ng mga kandidato, kundi isinasaalang-alang din ang dami ng boto na nakuha ng bawat isa. Sa halip na simpleng dami ng kandidato, tinitingnan ng measure na ito kung sinu-sino ba talaga ang may malaking tsansa o totoong suporta mula sa mga botante. May dalawang measure nito sa dash. Una, ang ENC na hango sa formula ni Laakso at Taagapera (1979), at ang ikalawa, na mas makabagong pamamaraang hango kay Golosov (2010).
The Team